Wednesday, September 9, 2009

"will you marry me?"

          Ito yung mga tanong na hinihintay ng mga nobyang babae na itanong sa kanila ng kanilang nobyong lalake.  Tanong na alam kong makakapagpasaya sa kanila.  Nakakasigurong sila lang at wala nang iba pang mamahalin habang nabubuhay.

          "will you marry me?"  isang post sa wall ng facebook ng aking nobya.  Nakakatuwa kung iisipin ngunit bakit ko naman pagtatawanan ang gayon kung alam ko namang iyon talaga ang nararamdaman niya.  Masaya ako at hindi ko itatanggi iyon.  Pareho na naman kaming nasa hustong gulang na.  Mahal ko siya at lagi kong sinasabi iyon sa kanya, ganoon din naman  siya sa akin.

            Aaminin ko, natuwa ako sa ginawa niyang iyon.  Ikaw ba naman tanungin ka ng nobya mo kung gusto mo siyang pakasalan, anong magiging reaksiyon mo?  Tapos naka post pa sa wall ng Facebook niya na alam kong makikita ko din pag nagbukas ako ng Facebook account ko hehehe.

           Ang bilis talaga ng panahon.  Parang kelan lang inaakay pa ako ng mga magulang ko.  Sinusubaybayan,  inaaruga pero ngayon heto ako haharap na sa pinakamalaking  yugto ng aking buhay.  Buhay na kasama ang magiging may bahay, magiging Ina ng aming magiging mga anak, pangungunahan  ang sambahayang pareho naming pinangarap na magaroon ng katuparan.  Asawang alam kong Dios ang nagbigay.
   
           Oo, yun ang isinagot ko.  Sagot na alam kong may kasiguraduhan.  Sagot na alam kong makapagpapasaya sa kanya hindi dahil sa iyon ang gusto niyang marinig mula sa akin kundi iyon ay dahil sa iyon ang nararamdaman ko para sa kanya.  Sagot na alam naming habang buhay na hindi namin pagsisisihan.

           Ganito pala ang pakiramdam kapag alam mong nalalapit ka na sa panibagong yugto ng iyong buhay.  Halu-halong emosyon.  Hindi maipaliwanag pero masaya.  Masayang-masaya!.

            I LOVE YOU.

           


           
       
         

bakit inggo?

     "simula ngayon, inggo na ang itatawag namin sa'yo bilang palayaw mo."

          Eusataquio ang  pangalan ng lolo ko.  Idol niya si Gringo Honasan.  Noong panahon kasi niya marami daw natulungan sa bayan namin itong taong ito.  Ano ba naman  ang kamalayan ko dun, eh batang paslit na uhugin lang ako noong panahon na iyon.  Ganoon lang iyon tapos wala na. Period!.  Tapos ang istorya. 

          Siya ang nagbigay sa akin ng alyas na "inggo". Noong una akala ko nagbibiro lang siya hanggang sa tumagal tagal naging bansag na din sa akin iyon.  Mula sa pamilya ko hanggang sa mga kamag-anak namin at hanggang ngayon na malalaki na kami ay ganoon pa din pero madami nang nagbago.  Mga pagbabago na kung iisipin ko, masarap palang balikan.  Ang sarap sa pakiramdam na may mga alaala kang nababalikan na sa pagtanda mo, natin, pwede nating ikuwento at ibahagi sa mga magiging anak, apo, mga kaibigan, kakilala at makikilala pa natin.

          Nakakalungkot lang isipin na iyong mga dating nakasama natin sa mga masasayang araw ng ating buhay, ngayon ay wala na.  Ang hirap palang tumanda.  Ang hirap mag-isa.  Bente sais pa lang naman ako para mag-isip nang ganito pero hindi ko talaga maalis sa isip ko na balang araw pala tatanda din ako, hindi lang ako kundi kasama ng pagtanda ko tumatanda din ang mga mahal ko sa buhay. Isa sa mga bagay na ayaw pang tanggapin ng isip at puso ko.  Hindi ko pa kaya.  Gusto ko kumpleto pa ang pamilya namin kapag dumating iyong araw na matanda na ako kaya lang hindi naman ako Dios para dugtungan pa ang buhay nila.  Sana nga kaya kong gawin iyon.   Sana nga lang.

          
         

          

         

         

         
"wala lang!, gusto ko lang din mag blog kasi inggit ako".
   
       Ito yung isinagot ko sa kasintahan ko kung bakit gusto ko rin magkaroon ng blog. Hindi naman ako isang Writer kagaya niya, pero naisip ko din, bakit hindi, diba? Try lang kung baga. Hindi ko naman din ito gagawin kung talagang ayaw ko. Naisip ko lang na maganda din pala siyang pang-release ng stress. Masasabi ko na yung mga saloobin ko, nararamdaman ko kaysa naman kimkimin ko iyon lahat sa loob ko, hindi ba? He! he! he!.